Kung tutuusin, inaabangan ng mga Cabanatueno ang isang baratilyo lalupa’t magpapasko dahil maaaring makahanap ng mga bilihin at panregalo na akma sa budget at panlasa mo. Ngunit ang itabi ito mismo sa isang pamilihang bayan at magsilbing sagabal sa trapiko, medyo kakaibang trip na yata ‘to ni mayor Jay Vergara!

Sa bisa ng Ordinansa 051-2014 o mas kilala bilang Ordnance 51 na ipinatupad ni Mayor Jay Vergara, tila isang higanteng telon ang bumalot at nagtakip sa dati’y pamilihang bayan ng Cabanatuan. Ito’y dahil inilipat ang baratilyo sa gitna ng kalye at sa tabi mismo ng palengke.

Ang resulta: perhuwisyong todo sa merkado, sa trapiko at sa taumbayan lalo na sa mga naghahanap-buhay sa pamilihan. Nang kapanayamin natin ang mga Cabanatueno, heto ang ilan sa mga pahayag nila ukol sa naturang baratilyo.