PINAY TEEN NA NILAIT NOON, ENDORSER NA NG CHARLES & KEITH, AIR ASIA

Matapos mabash noong Enero sa TikTok ang pinay teenager na si Zoe Gabriel na nakabase sa Singapore, matapos niyang tawaging “luxury brand” ang Charles & Keith bag, ay ginawa siyang brand ambassador ng naturang Singaporean fashion brand.

Nauna na dito ang pagpasyal ng teenager sa headquarters ng Charles & Keith sa Singapore kung saan niya nakilala ang co-founder ng C&K at niregaluhan siya ng mga gamit.

Ibinahagi ng official Charles & Keith IG account nitong Marso, ang unang glam shot ni Zoe bilang kanilang model sa International Women’s Day.

Matatandaan na nagviral ang TikTok ni Zoe matapos niyang pasalamatan ang kanyang ama sa iniregalo nitong bag na isang itim na Double Handle Tote Bag na nagkakahalaga ng $79.90 o mahigit Php4000 na tinawag nitong “luxury bag”.

Umani ng pangungutya noon si Zoe mula sa mga bashers ngunit marami din ang nagtanggol sa kanya.

Hindi dito natapos ang blessing ni Zoe dahil kinuha siya ng Malaysian airline para sa collaboration o pakikipagtulungan para mai-promote ang mga services ng Air Asia.

Makikita si Zoe sa tatlong magkakasunod na dance video posts sa TikTok ng low-cost airline habang sumasayaw sa loob ng eroplano kasama ang cabin crew para ipromote ang pagbu-book sa Air Asia, sumasayaw habang nakasuot ng flight attendant uniform at habang nagbibigay ng instant meals na ino-offer ng airline.