PAGPAPATUPAD NG PARENT EFFECTIVENESS SERVICE, ISINUSULONG BILANG SOLUSYON SA BULLYING
Iminungkahi ni Senator Win Gatchalian na makipagtulungan ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa Parent-Teacher Association o PTA upang ipatupad ang Parent Effectiveness Service Program Act o Republic Act No. 11908.
Layunin nito na mapaigting ang pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon ng mga anak at para masugpo ang tumataas na kaso ng bullying sa bansa.
Sinabi ni Dr. Bernadette Madrid ng Child Protection Network Foundation sa isang pagdinig hinggil sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 na ang mataas na insidente ng bullying ay karaniwang nagmumula sa karahasang nararanasan ng mga kabataan sa kanilang tahanan.
Binigyag-diin ni Gatchalian ang pagsusulong ng Parent Effectiveness Service Program (PES) Act upang palawakin ang kaalaman ng mga magulang at mga parent-substitutes sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.
Sa aming panayam sa DSWD Nueva Ecija, bago pa ipasa ang batas ay tuluy-tuloy naman ang implementasyon ng PES sa lalawigan para sa mga magulang ng mga mag-aaral. Ito ay dumadaan sa mga trainings at seminars na pinangungunahan ng mga Municipal o City Social Welfare and Development Office.
Ipinaliwanag din ni Christer Carrandang na kahit ang mga benepisyaryo ng 4P’s ay naituturo rin ang kahalagahan ng programa sa pagiging responsableng magulang sa pamilya.
Bukas naman ang DSWD Nueva Ecija sa mga plano ng pamahalaan para sa pagsugpo ng bullying sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Education at Parent-Teacher Association sa lalawigan.