YEAR-END BONUS SA MGA MAHIHIRAP NA SENIOR CITIZENS, ITINUTULAK SA KAMARA

Inihain ni House Committee on Social Services Vice Chairperson Quezon City 5th District Representative Patrick Michael Vargas ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng karagdagang year-end bonus para sa mahihirap na lolo at lola.

Sa House Bill 6693 o ang Paskong Maligaya para kay Lolo’t Lola Bill, ang mga senior citizens ay tatanggap ng P1,000 allowance sa ilalim ng Social Pension for Indigent Seniors na ipagkakaloob bago sumapit ang December 25 bawat taon.

Sinabi ni Vargas na malaki ang ambag ng mga senior citizens sa bansa dahil karamihan sa mga ito ay may kakayahan pang suportahan ang pamilya at mga apo kaya nais nito na mapagbigyan ang kanilang mga kahilingan na madagdagan ang benepisyo kahit na sa pagtatapos ng taon.

Dagdag pa ng mambabatas na sa pamamagitan ng HB 6693 ay maipagpapatuloy nito ang adbokasiya ng kanyang kapatid na si dating Quezon City Representative Alfred Vargas na isa sa pangunahing may-akda ng Expanded Social Pension para sa Indigent Senior Citizens Act.

Ang karagdagang benepisyo ay bukod pa sa P1,000 kada buwan na social pension ng mga matatanda.