GABAY PARA HINDI MADEACTIVATE ANG IYONG SIM CARD, INILABAS NA NG NTC
Inilabas na ng National Telecommunications Commission o NTC ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Sim Card Registration Law na ipatutupad simula sa December 27, 2022.
Alinsunod sa IRR ng Republic Act 11934, lahat ng mga gumagamit ng sim card ay obligadong magparehistro sa loob ng 180 days at kung kinakailangan ay pwede pa itong palawigin nang 120 na araw.
Kapag lumagpas sa registration period, awtomatikong made-deactivate ang unregistered sim card at kung mangyari ito ay mayroon namang limang araw na palugit para mare-activate.
Online ang pagpaparehistro kung saan ang network provider ang magbibigay sa subscriber ng registration form na sasagutan sa kanilang website. Mismong ang may-ari ng sim card ang kukumpleto ng mga hinihinging impormasyon tulad ng pangalan, address, petsa ng kapanganakan, kasarian, official address, type of ID na ipiprisinta at maging ang ID number nito. Kung wala namang ID ay maaaring kumuha ng barangay certificate na may larawan.
Para naman sa mga kumpanya, kinakailangan ang kanilang business name, address at full name ng authorized signatory habang sa mga dayuhan ay kailangang ibigay ang passport at address sa Pilipinas. Kung isa namang turista, tatagal lamang sa loob ng 30 araw ang sim card at ide-deactivate na ito ngunit maaaring i-extend kapag ipinakita ang extension ng visa.
Ang pagpaparehistro naman ng sim sa mga menor de edad ay nasa ilalim ng pangalan ng magulang o tagapag-alaga ngunit kinakailangang magpasa ng consent o pahintulot ng mga ito.
Ang mga impormasyong idineklara ng mga subscriber ay kailangang ingatan at protektahan ng mga telco at hindi pwedeng gamitin sa ibang paraan.
Kung nawala o nanakaw at pumanaw ang may-ari ng sim, ito ay kailangang ipaalam agad sa telco provider upang masundan ng deactivation sa loob ng 24 oras. Dapat ding impormahan ang mga ito kung may pagbabago sa mga impormasyon ng user.
Sa mga magbibigay ng maling impormasyon sa pagpaparehistro ay may multang P100,000 hanggang P300,000 at pagkakakulong ng 2 taon.
Kung illegal naman na mailabas ng telco ang mga pribadong impormasyon ng isang subscriber ay umaabot sa P500,000 – P4 million at 2 taong pagkakakulong ang magiging parusa nito.
Samantala, naghahanda na ang mga telecommunication company sa nalalapit na pagsisimula ng SIM registration.
Nagpayo rin ang mga kompanya sa publiko na abangan ang anunsiyo ng magiging proseso sa kani-kanilang social media pages.