NGCP, MULING INILAGAY SA YELLOW ALERT STATUS ANG LUZON GRID
Muli na namang isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa Yellow Alert Status ang Luzon Power Grid dahil sa pagnipis ng reserba sa kuryente.
Ito na ang ikalawang magkasunod na pagkakataon na nagpatupad ng yellow alert ang NGCP. Una ay noong December 5 at ang pangalawa ay kahapon, December 6, 2022 mula ala-una hanggang alas-kwatro ng hapon at naulit ng alas-singko hanggang alas-sais ng gabi.
Sa advisory ng grid, nasa apat na power plants ang nasa forced outage habang ang tatlong planta ay tumatakbo sa derated capacities o kapos sa kapasidad dahilan kung bakit mayroong 2,145 megawatts ang hindi available dito.
Ang yellow alert ay nangangahulugang mayroong manipis na reserve base sa pagkakaiba ng supply at demand.
Mayroon namang 11,522 megawatts ang available capacity sa Luzon grid laban sa peak demand nito na 10,612 megawatts.
Samantala, kinontak namin ang NGCP at hinihintay pa hanggang sa kasalukuyan ang kanilang sagot sa aming mga katanungan kung apektado ba ang Central Luzon at ang Nueva Ecija sa kanilang ibinabang advisory, magiging epekto ba nito ay palagiang pagbrownout sa ilang lugar at kung maaari bang tumaas ang singil sa kuryente.