MAHIGIT 700 NOVO ECIJANO, NASERBISYUHAN NG PASSPORT ON WHEELS NG KAPITOLYO

Sinamantala ng mahigit 750 Novo Ecijano ang pagkakataon na makapunta sa Passport on Wheels ng Pamahalaang Panlalawigan na inorganisa ng Nueva Ecija-Public Employment Service Office sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes, November 21, 2022.

Bagaman, hindi nabuo ang 800 slots na ibinigay ng DFA ay naging matagumpay pa rin ang araw ng appearance at pagkuha ng impormasyon sa mga aplikante ng ahensiya.

Ayon kay PESO Manager Maria Luisa Pangilinan, malaking tulong ito sa mga mamamayan dahil mas pinabilis ang pagproseso ng pagkuha ng passport na hindi na sila kailangan pang lumuwas.

Ilan sa mga naserbisyuhan ay hirap kumuha ng appointment sa DFA para makapagrenew ng pasaporte kaya mas maginhawa para kina Raffy Ted Yu, Donny Benedicto, Joanne Soliben, at Mari Raycel Deguia ang ganitong programa lalo na kung gagamitin nila ito upang makapunta ng ibang bansa.

Maghihintay ang mga aplikante ng 12 hanggang 15 araw para maideliver ang mga passports sa kani-kanilang bahay base sa address na kanilang inilagay sa partner na courier ng DFA.