DOST III, PDRRMO, MAGKATUWANG SA PAGPAPALAKAS SA PAGTUGON SA KALAMIDAD
Magkakaloob ang Department of Science and Technology Region III ng Unsinkable Small Watercraft o bangkang hindi lumulubog sa Provincial Government ng Nueva Ecija (PGNE) bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan at pagtugon ng probinsya sa pagdating ng mga kalamidad.
Ito ay matapos na bigyang kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang 42nd Regular Session si Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa DOST III para sa implementasyon ng proyektong may pamagat na “Strengthening Local Disaster Preparedness and Post-pandemic Recovery Capacities of Central Luzon Communities”, sa ilalim ng kanilang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program.
Ayon kay Provincial Disaster Risk and Reduction Management Officer Michael Calma, may kapasidad ang bangkang ito ng 8-10 katao na magagamit nila sa mga rescue at relief operations tuwing may mga baha.
Paliwanag ni PDRRM Chief Calma na may kapasidad ang unsinkable boat na ito na lumutang kahit mababaw ang tubig kumpara sa normal na bangka na lulutang lamang kapag nasa 4 o 5 talampakan na ang tubig baha.
Kaakibat ng Memorandum of Agreement na ito ang pagsasagawa din ng mga trainings sa bawat DRRM upang ituro ang tamang paggamit ng mga equipment na ito.
Kaugnay nito, may mga bagong kagamitan ding binili ang pamahalaang panlalawigan tulad ng 1 rubber boat, 1 plastic boat, 4 na chainsaw at 1 spreader cutter para sa mas mabilis na pagtugon sa mga clearing operations at emergency cases tulad ng disgrasya.
Patuloy ani Calma ang inisyatibo ni Governor Oyie sa pagpapalakas ng kahandaan ng probinsya para sa mas maayos at mabilis na responde sa mga kalamidad.
Matatandaan na ginawaran ng Php203-million assistance ng Spanish Cooperation Agency for Development (AECID) ang provincial government sa pamumuno ni Gov. Oyie, noong 2011, dahil sa husay at galing sa pamamahala at pagtugon sa kalamidad.