6 YEARS OLD NA BATANG LALAKI SA CABANATUAN CITY, MATH GENIUS

Maituturing nang Math Genius ang anim na taong gulang na Grade 1 pupil na si Markus Miguel Yuson ng Brgy. Bantug Norte, Cabanatuan City, dahil sa kanyang husay at bilis sa pagsolve sa math problems sa kanyang isip o ang tinatawag na mental math.

Natutong magbilang si Markus noong siya ay tatlong taong gulang pa lamang at natutong gumamit ng abacus noong siya ay limang taong gulang.

Kwento ng kanyang inang si Nalyn Yuson, upang magkaroon ng libangan si Markus noong pandemya at maihanda ito sa pagpasok sa eskwelahan ay nagset silang mag-asawa ng mini classroom sa kanilang tahanan at matigayang tinuruan ang kanilang anak.

Isang normal na bata lamang din si Markus tulad ng iba na nakikipaglaro at nakikipag-interaksyon sa kapwa bata, kaya maging ang mga magulang nito ay bumilib sa nadiskubre nilang angking galing at talino ng kanilang anak.

Sumabak agad sa kompetisyon si Markus noong siya ay nasa Kindergarten kung saan nanalo siya sa “Tagisan ng Talino at Talento sa Pagbigkas ng Tula” at tumanggap ng “Budding Mathematician” at “Good Communicator Award” sa kanilang eskwelahan at naging Regional Champion for Math Pre-School Level sa Association of Science and Mathematics Educators of Philippines Private Schools (ASMEPPS) Online Regional Math and Science WIZARDS 2021, na nakikita nilang naging motibasyon nito upang sumali pa sa iba pang kompetisyon.

Ngayong taon, parehong Math and Science Quiz ang nilahukan ni Markus sa ASMEPPS Online Regional Online Quiz-Grade 1 Level na pareho nitong ipinanalo.

Bago humawak ng cellphone ay nagkakaroon muna ng 30 minutes review si Markus araw-araw, ngunit dahil may pasok na ay isinisingit lamang nila ito tuwing weekends kapag walang masyadong assignments sa school.

Sa kasalukuyan ay naghahanda na muli si Markus para sa kanyang laban sa February sa susunod na taon para sa National Level Math and Science Quiz, kung saan irerepresenta nito ang Region III.

Mensahe ng proud mommy na si Nalyn sa kanyang anak na patuloy silang susuporta sa kanyang mga adhikain at nais marating sa buhay, at mensahe nito sa kapwa magulang, “walang nasasayang na panahon at oras, kung ilalaan nila ito sa pagsubaybay sa kanilang mga anak.”