HALOS 5,000 PASYENTE, NAPAGKALOOBAN NG HUMIGIT KUMULANG P39-M MEDICAL ASSISTANCE NG PCSO- NUEVA ECIJA
Umaabot sa kabuuang 5,697 na pasyente ang natulungan sa kalusugan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa buong bansa na may katumbas na halagang P41,741,401.78 nito lamang October 10 hanggang 14, 2022 sa ilalim ng Medical Access Program nito.
Sinabi ng PCSO, may 606 na indibidwal ang napagkalooban ng tulong na umabot sa P8,231,497.87 sa National Capital Region (NCR) habang nasa 1,288 na katao ang nabiyayaan ng halagang P10,030,091.01 na medical assistance sa Northern at Central Luzon.
Nasa 1,490 naman na nangangailangang Pilipino o P8,360,203.68 ang naipamahagi sa Southern Tagalog at Bicol Region, sa Visayas ay mayroong 1,093 ang nakinabang sa P7,618,988.89 at sa Mindanao ay may bilang na 1,220 na katao ang nabigyan ng P7,500,620.33 na tulong medikal ng PCSO.
Ayon kay OIC-PCSO Nueva Ecija Branch Manager Moriel Blanco, may 4,926 na Novo Ecijano ang napagkalooban ng P38,824,342.15 ng Medical Access Program mula January hanggang October 25, 2022.
Ang MAP ay kinabibilangan ng hospital confinement, cancer treatment, dialysis injection at gamot para sa hemophilia, Post Kidney Transplant, Rheumatoid Arthritis, Anti-Lupus, Psoriasis, Neuro-psychiatric, Hemodialysis, Laboratory and Imaging Procedures at Implant and Medical Devices.
Kung naconfine ang isang indibidwal, kinakailangan lamang na ihanda ang mga requirements na manggagaling sa ospital tulad ng original/certified photocopy ng medical abstract na may lisensiya at pirma ng doctor, official statement of account na may signature ng billing officer na nakabawas na ang iba pang deductions gaya ng Philhealth at photocopy ng valid ID ng pasyente.
Para naman sa mga naghehemodialysis, igayak lamang ang kaparehong requirements sa hospital confinement at kumuha ng original endorsement at certification ng Philhealth Benefits sa Dialysis Center at Hospital.
Sa mga humihingi ng tulong medikal ay kumpletuhin lamang ang mga kailangan at pumunta sa Old Capitol Building tuwing Lunes hanggang Biyernes alas-otso hanggang alas-singko ng hapon.
Hinihikayat din ni Blanco ang mga Novo Ecijano na patuloy na tangkilikin ang ibat-ibang mga “Larong May Puso ng PCSO partikular na ang Lotto games, Small Town Lottery, Scratch-it at Sweepstakes Tickets.