Pangangailangan sa sapat, ligtas na dugo, sosolusyunan ng PGNE, PJG

Magsisilbing blood bank o imbakan ng lahat ng malilikom na dugo ng Provincial Health Office mula sa pagsasagawa ng mga Blood Letting Activities ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

Ito ay matapos na pukpukan sa 40th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng PJG para sa implementasyon ng Republic Act No. 7719 o the National Blood Service Act of 1994 upang masiguro ang pagtataguyod ng pagkakaroon ng sapat at ligtas na suplay ng dugo.

Ayon kay Provincial Health Officer II Dr. Josefina Garcia, ang PJG ang nag-iisang DOH retained Hospital sa probinsya na may kakayanang makapag-imbak ng dugo.

Aniya, makatutulong ang mga dugong ito sa mga emergency cases tulad ng aksidente o operasyon na kinakailangan ng agarang suplay ng dugo.

Kapag may mga pasyente ang mga District Hospital na nasa ilalim ng pamamahala ng provincial government na nangangailangan ng dugo ay makikipag-ugnayan lamang sila sa PHO upang maiendorso sila sa PJG para malaman kung anong blood type at kung gaano karaming dugo ang kanilang kinakailangan.