NGIPING KULAY KAPE NG MGA TAGA SAGANA LAUR, SINOLUSYUNAN NG NE DENTAL CHAPTER
Sinolusyunan ng Nueva Ecija Dental Chapter ang ngipin na kulay kape na kalbaryo ng mga residente sa Brgy. Sagana, Laur sa pamamagitan ng kanilang programa na Oral Health: Oramismo para sa komunidad.
Katuwang ng NEDC sa proyektong ito ang Kiwanis Health Movers sa pamumuno ni Gemma P. Samano at Rotary Club of Cabanatuan East sa pangunguna ni Former 3rd district Board Member Nero Mercado na may layuning tulungan ang mga lugar na may problema sa ngipin upang gawing malusog at magkaroon ng matamis na ngiti ang mga naninirahan dito.
Ayon kay NEDC President Anariza M. Peria, sinuri nila ang tubig na iniinom ng mga naninirahan sa lugar at nakita na mataas ang fluoride content dahilan upang magkaroon ng sakit na tinatawag na fluorosis.
Ang Fluorosis ay isang kondisyon sa mga bata na nagbabago sa itsura ng enamel ng ngipin dahil sa pagkakaexpose sa sobrang fluoride. Ito ay nadedevelop mula sa pagbubuntis ng ina at pag-inom ng mga kontaminadong tubig.
Unang tinuruan ang mga magulang, buntis at Barangay Health Worker ng tamang pagsisipilyo, handwashing at paggamit ng tamang dami ng toothpaste upang maituro sa kanilang mga anak at mga nasasakupan.
Inumpisahan na rin ang pag-apply ng fluoride sa mga bata. Babalik ang mga dentista sa komunidad sa buwan ng Disyembre at Marso, 2023 para sa ikalawa at ikatlong aplikasyon.
Hinikayat din ng NEDC ang mga mamamayan sa barangay na kumuha ng tubig sa posong kanilang itinayo sa barangay na pumasa sa test at naabot ang normal range ng fluoride content na 1.0 milligrams per liter.
Nagpasalamat naman ang mga dumalo sa aktibidad sa mga dentista at iba pang organisasyon na nakiisa sa proyekto.
Samantala, nagpamahagi rin ang Rotary Club of Cabanatuan East ng mga vitamins at gamot sa mga bata habang binigyan naman ng Kawanis Health Movers ang mga buntis ng mga gamit para sa baby.