Nahaharap sa mga kasong paglabag sa PD 533 (Anti-Cattle Rustling) and RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang suspek na nagnakaw ng kalabaw ng isang magsasaka sa barangay Maligaya, bayan ng Rizal, Nueva Ecija.
Kinilala ang suspek na JOSHUA JACINTO y Valdez, 24 years old, may asawa, residente ng Brgy Villarica, Pantabangan, at kasalukuyang naninirahan sa Purok 4 ng barangay kung saan nangyari ang krimen.
Habang ang may-ari ng kalabaw ROMEO GALANG, singkwentay singko anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Maligaya.
Base sa report ng Rizal police, alas singko ng madaling araw nang mapansin niyang nawawala ang kanyang kalabaw kaya kaagad siyang dumulog sa barangay hall kung saan nakita sa CCTV footage ang suspek.
Kaagad namang nag-imbestiga ang kapulisan at napag-alaman mula sa isang saksi na ibinenta ni Jacinto ang ninakaw na kalabaw kay JASON MANGAONG ng Brgy. San Fernando, Laur.
Dahil dito ay nagsagawa ng joint operation ang Rizal and Laur Municipal Police Stations, 2nd and 1st PMFC and RMFB 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.