MAGSASAKA SA GUIMBA, MAGSASAULI NG 50K NA SUMOBRA SA IBINAYAD SA IBENANTANG PALAY
Kahit mahirap ang buhay ay hindi umano pag-iinteresan ng magsasakang si Fidel Lanuza Jr. ng Sitio Bertese, Lennec, Guimba, ang Php50, 000 na sumobra sa ibinayad sa kanyang mga inaning palay.
Nagbenta ng palay si Tatay Fidel sa Provincial Food Council ng 100 kaban noong Sept. 21, 2022, kung saan prinesyuhan ito ng Php16.30 kada kilo, mas mataas kumpara sa Php14-15 na umiiral na kalakarang presyo.
Aabot lamang sana aniya sa Php103, 016 ang kabuuang presyo ng kanilang palay ngunit umabot ng Php153, 016 ang kanilang natanggap.
Ayon kay Tatay Fidel pagkauwi ng kanilang bahay ay muli niyang binilang ang natanggap na bayad at napag-alamang sumobra ito ng Php50, 000 at agad na pinagbigay alam sa Pagador sa Provincial Treasurer’s Office.
Muli aniya silang nagbenta ng 27 kaban ng palay sa PFC noong Sept. 30, kaya ibinawas nalang sa sumobrang Php50K ang kabayaran para dito.
Aabot pa ngayon sa mahigit Php22, 000 ang nakatakdang ibalik ni Tatay Fidel at patuloy naman aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa PTO upang maibalik na ang pera.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Tatay Fidel sa pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali dahil sa pamimili ng palay na nakatutulong aniya ng malaki sa mga kagaya niyang magsasaka.
Mensahe ni Tatay Fidel sa kapwa magsasaka na kung sakali mang mangyari din sa kanila ang ganitong sitwasyon ay mas mainam na ibalik ang perang hindi naman nila pinaghirapan.
Pinasalamatan naman ni Governor Oyie si Tatay Fidel sa kanyang programang Usapang Malasakit sa Lipunan, kahapon, Oct. 11, 2022 dahil sa katapatan nito sa pagbabalik ng sobrang bayad.