Naging mapayapa sa pangkalahatan ang naging pagdiriwang ng undas sa lalawigan base sa pinakahuling ulat na inilabas ng Nueva Ecija Provincial Police Office.
Naitala noong October 31, 2014 ang isang kaso ng pagpatay sa ilalim ng index crime, at apat na non-index crimes.
Maghapong nagbantay ang PNP o Philippine National Police katuwang ang Bureau of Fire Protection at local government units upang matiyak ang kaayusan sa mga sementeryo sa mga bayan at lungsod dito sa Nueva Ecija.
Naglagay ng public assistance desk, inspection team, at check point ang mga awtoridad sa mga istratehikong lugar bilang bahagi ng Oplan Kaluluwa.
Nagpatupad din ng mga rerouting ang awtoridad sa lalawigan upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Habang umiikot sa bayan ng Gabaldon , isang vehicular accident ang nadaanan ng Balitang Unang Sigaw Team.
Kaagad na naisugod sa Gabaldon Medicare ang biktima na nilapatan ng unang lunas at tsaka inilipat sa ELJ Memorial Hospital sa Cabanatuan City.
Naging maayos at matiwasay ang pagdalaw ng mga Novo Ecijano sa puntod ng mga yumao nilang mahal sa buhay na nagmistulang reunion ng mga magkakapamilya at magkakaibigan. – Ulat Ni Clariza De Guzman