HIGIT 1,000 NA TAUHAN NG PNP REGION 3, DINEPLOY SA KASAGSAGAN NG SUPER TYPHOON KARDING
Nagsagawa ng disaster response operations ang kapulisan ng Central Luzon sa kasagsagan ng Super Typhoon “Karding”.
Sa kanyang ulat kay Chief PNP PGEN RODOLFO S AZURIN JR, sinabi ni Police Region 3 Director PBGEN CESAR R PASIWEN na nagbigay siya ng direktiba na ipinatupad kabilang ang guidelines sa ilalim ng PNP Critical Incident Management Operational Procedures (CIMOP).
Nag-ikot din umano ito at ininspeksyon ang mga yunit ng pulisya sa kanilang naging paghahanda at aksyon habang may bagyo.
Sa kabuuan nakapag-deploy para sa response operations ang PNP Region 3 ng 1,186 personnel sa search and rescue operations habang 2,191 ang naka-standby na ready on call at 150 personnel ang bumubuo sa PRO3 RSSF na may humigit-kumulang 3,500 SAR equipment.
Inatasan din ang Regional Mobile Force Battalion 3 na magsagawa ng forward deployment na mabilis na tumugon sa mga nangyari noong may bagyo.
Samantala, lahat ng provincial at city directors ng PRO3 ay nagbigay ng kanilang mga ulat sa PBGEN PASIWEN sa kasalukuyang sitwasyon ng kani-kanilang mga lugar na nasasakupan, search and rescue efforts kabilang ang clearing operations at relief distribution.
Batay sa pinagsamang ulat mula sa lahat ng police units ng Region 3 at Office of the Civil Defense-Region 3, noong Setyembre 26, may kabuuang 6,249 na pamilya na binubuo ng 22,946 na indibidwal ang pansamantalang sumilong sa 889 evacuation centers sa buong rehiyon, tatlong imprastraktura ang nasira sa Olongapo at Pampanga, 63 barangay ang lumubog sa tubig baha sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga habang 1,525 na Barangay sa Aurora, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales ang nawalan ng kuryente at apat na pangunahing kalsada sa Aurora ang hindi nadaanan ng mga sasakyan.
Tumulong din PNP para makuha ang mga bangkay ng limang miyembro ng Bulacan Provincial Rescue team na nalunod habang rumesponde sa mga nasalanta ng baha sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.
Naka-focus na ngayon ang PNP sa clearing operations sa mga lugar na lubhang naapektuhab ng bagyo.
Sinabi ni PNP Officer-in-Charge, Police Lieutenant General Jose Chiquito M Malayo na ang mga yunit ng pulisya ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga Lokal na pamahalaan.
Tiniyak din nito sa mga charity group at iba pang may malasakit na indibidwal na handa at tutulungan sila ng PNP sa mga relief efforts upang maibsan ang mahirap sitwasyon ng mga direktang naapektuhan ng kalamidad.