78, 000 magsasaka sa Nueva Ecija, target na mabigyan ng fertilizer voucher ng Department of Agriculture nitong wet season

Umaabot sa 95,000 Fertilizer Discount Voucher ang ipinamahagi ng Department of Agriculture- Region 3 sa Nueva Ecija nitong wet season na maaari nilang ipalit sa mga akreditadong fertilizer merchant.

Sa ilalim ng National Rice Program, inaasahang aabot sa 78,000 rice farmers ang mapagkakalooban depende sa laki ng bukirin bilang suporta sa gitna ng tumataas na presyo ng farm inputs sa bansa.

Ayon kay Rice Program Focal Person ng DA-Region 3 Lowell D. Rebillaco, katuwang ng kagawaran ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan upang i-validate ang master list ng mga tatanggap na magsasaka.

Ang bawat farmer na nakarehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nakapag-avail ng rice seeds ay kwalipikadong makatatanggap ng may halagang katumbas ng P1,131 kada ektarya para sa mga sakahang tinaniman ng inbred seeds at P2,262 naman kada ektarya para sa hybrid seeds.

Binigyang linaw din ni Rebillaco na hindi lahat ng magsasaka na rehistrado sa RSBSA ay mabibigyan ng FDV dahil limitado lamang ang kanilang pondo nitong wet season ngunit sa darating na dry season ay mas malaki na ang kanilang alokasyon kung saan 92,000 na magsasaka ang kanilang target na mabibigyan ng FDV.

Ang nakalaang pondo ng Department of Agriculture ay P495 million na siyang hahatiin upang magamit sa dalawang cropping season- ang panahon ng tag-ulan at tag-araw.

Hinikayat din ni Rebillaco ang mga rice farmers sa Central Luzon na magpatuloy sa kanilang adbokasiya sa agrikultura dahil tuluy-tuloy ang pagsuporta ng ahensiya tulad ng pagbibigay ng hybrid at inbred na binhi, cash assistance mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, at pagbibigay ng makinarya at irrigation facilities sa mga farmers association.