Boho Theme Classroom ng isang guro, viral sa Facebook

Umani ng mga papuri, mahigit 8 libong reactions, mahigit 1000 comments at mahigit 8 thousand shares and still counting ang viral photos na inupload ni Master Teacher 2 Gina Santos ng Caalibangbangan Integrated School, SDO Cabanatuan City, sa kanyang Facebook account noong September 16, 2022.

Ayon kay Teacher Gina, pangunahin nitong layunin sa pagpapaganda ng kanyang classroom ang maiparamdam sa kanyang mga estudyante ang komportableng learning environment sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Unti-unti niyang inipon ang mga ginamit niyang materyales para ma-achieved ang boho theme classroom niya sa pamamagitan ng pag-order sa Lazada at Shopee galing sa kanyang sariling bulsa, kasabay ng pagpapagawa ng mga murals sa loob ng silid-aralan na tinawag nitong classhome.

Hindi aniya nito inaasahan na magva-viral ang kanyang post, katunayan ay maraming mga kapwa niya guro mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagpapadala sa kanya ng personal message na na-inspired at nagtatanong kung paano ma-achieved ang ganito kagandang classroom, bagay na ikinatuwa ng kanyang puso.

May natanggap ding Most Prepared Award si Teacher Gina mula sa kanilang eskwelahan sa pagsisimula ng klase.

Nagpapasalamat ito sa kanyang mga kapwa guro na ginawa siyang inspirasyon at modelo para sa pag-eengganyo sa mga estudyante na maging inspirado sa kanilang pag-aaral, gayundin ang kanyang pasasalamat sa mga magulang na nagbigay papuri sa kanyang effort dahil araw-araw umanong sabik pumasok ang kanilang mga anak.

Isa si Maam Rio Sebastian Dela Vega, guro sa naturang eskwelahan, sa mga napahanga sa kaaya-ayang disenyo ng kanyang classroom at itinuturing na inspirasyon si Maam Gina para magka-ideya kung paanong mas maeengganyo ang mga kabataan sa pag-aaral sa pamamagitan ng paghahatid ng komportableng lugar para sa pagkatuto.