Pagguhit, pantawid buhay ng isang 59 anyos na pulubi

Simpleng pangguhit na krayola lamang ito para sa iba ngunit pantawid buhay para sa singkwenta’y nueve anyos na si Isagani Dela Cruz Pascua.

Tubong Pangasinan si Tatay Isagani na napadpad sa lalawigan ng Nueva Ecija nang makapag-asawa ng taga Cabu, Cabanatuan City na kalaunan ay naghiwalay din.

Matatagpuan si Tatay Isagani sa hagdan ng Tagpuan sa Crossing, Cabanatuan City bitbit ang kanyang ilang pirasong oslo paper at colored pencil kung saan niya iniaalok ang kanyang mga iginuguhit kapalit ang kahit magkanong barya sa mga dumadaan.

Ayon kay Tatay Isagani, tatlong taon na siyang namamalagi doon upang kahit paano ay kumita ng pera at sa gabi naman ay natutulog siya sa labas ng katabing convenient store.

Aniya, sa halip na gumawa ng masama tulad ng pagnanakaw upang malamnan ang kanyang kumakalam na sikmura ay umisip siya ng paraan upang kahit paano ay hindi lamang siya manghingi ng limos sa mga tao, kaya naman ginamit niya ang kanyang munting talento sa pagguhit upang may pantustos sa pang-araw-araw niyang pangangailangan.

Ibinabahagi rin ni Tatay Isagani ang kanyang talento sa mga batang nakakasama niya doon na nagtitinda naman ng sampaguita.

Mensahe ni Tatay Isagani sa mga netizen na makakakita sa kanya doon na sana ay maabutan siya ng kahit magkano kapalit ang kanyang mga obra na bagaman simple lamang aniya ay punong-puno naman ng pagmamahal mula sa kanyang puso.