Isiniwalat ng MASIPAG o Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura, KMP o Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Gratia Plena, AMGL o Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson – Nueva Ecija, PAN AP o Pesticide Action Network Asia Pacific at mga magsasaka ng Lungsod Agham ng Muñoz ang mga masasamang epekto ng Golden Rice sa maikling programang isinagawa ng grupo sa kalsada malapit sa munisipyo ng naturang lungsod noong Lunes, August 5, 2019.

(Mga progresibong grupo na tumututol sa Golden Rice)

Ayon kay Rowena Buena, Regional Coordinator ng MASIPAG – Luzon, sila ang pangunahing kumokontra sa Golden Rice dahil isa itong banta sa mga tradisyunal na binhi ng palay na ipinapamahagi nila sa mga magsasaka.

Giit ni Buena hindi ang mga magsasaka ang pangunahing makikinabang sa Golden Rice kundi ang mga kumpanya na nais pagkakitaan ang mga ito.

Sa pahayag naman ni Rafael “Ka Apeng” Mariano, Chairman Emeritus ng KMP, mahigpit din nilang tinututulan ito dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tukoy ng mga nagsusulong nito ang maaaring maging pinsala ng Golden Rice sa kapaligiran.

Para naman kay PAN AP Program Officer Terence Lopez, ay hindi na kinakailangan pa ng mga GMO o genetically modified organisms para matugunan ang mga kakulangan ng mga Pilipino sa Bitamina A dahil marami naman aniyang mga natural na pagkain na pwedeng pagkuhanan ng nasabing bitamina.

Sa eksklusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw kayDr. Reynante Ordonio, Project Leader ng Golden Rice Project at Senior Science Research Specialist, Scientist I ng PhilRice, inamin niya na sa kasalukuyan ay nasa field trial stage na ang naturang proyekto at pagkatapos nito ay isusunod na nila ang aplikasyon para sa Food, Feed and Processing o pagkuha ng Food Safety Permit na kinakailangan nila upang masuri ang nutrisyon nito, kasunod ang Commercial propagation.

(Aming panayam kay Dr. Reynante L. Ordonio, Senior Science Research Specialist – Scientist I ng PhilRice at Golden Rice Project Leader)

Oras na maaprubahan na aniya ang kanilang aplikasyon sa Commercial Propagation ay iparerehistro na nila ang Golden Rice bilang isang variety ng palay na siyang ipalalaganap sa mga probinsyang may mataas na Vitamin A deficiency.

Nilinaw naman ni Dr. Ordonio, na bago nila ilabas sa merkado ang Golden Rice ay sisiguruhin muna ng kanilang ahensya na ligtas itong kainin ng mga Pilipino kaya’t hanggang sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang masusi nilang pag-aaral dito.

Hiling naman ni Ordonio sa mga hindi pabor sa Golden Rice na sana aniya ay paniwalaan ng mga ito ang mga eksperto na nag-aaral dito lalo at ang nais lang aniya ng PhilRice ay makapagbigay ng ligtas at masustansyang bigas para sa mga Pilipino at nawa ay bigyan sila ng pagkakataon na mas mapalalim pa ang pag-aaral nila rito at mapatunayan nilang ligtas kainin ang Golden Rice. – Ulat ni Jessa Dizon