Agarang pagpasa sa sim card registration, aprubado na sa kongreso
Inaprubahan na ng Chairman ng komite na si Navotas Representative Toby Tiangco ang pagconsolidate sa House Bill 14 na naglalayong obligahin ang pagre-register ng mga mobile subscriber identity module nitong Lunes, September 5, 2022.
Ito ay sa kabila ng paglaganap ng mobile phone scams na lalo pang naging sopistikado dahil nagagamit na mismo ang personal na impormasyon ng mga subscriber.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng bibili ng SIM card ay kinakailangang sumagot sa registration form dala ang isang valid identification card na mayroong litrato.
Dapat ding magparehistro ang mga nakabili ng SIM card bago ipatupad ang panukala.
Ang mga impormasyon na nakalap dito ay gagamitin kung may request ang korte kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.
May kaukulang parusa o multa rin kapag may nalabag na probisyon sa panukala na maaring umabot mula P300,000 hanggang sa P1 milyon.
Posible ring masampahan ng kasong criminal, civil at administrative charges ang sinumang lalabag sa batas.
Ngayong araw ng Miyerkules, pangungunahan ni Senator Grace Poe ang panibagong diskusyon sa mga panukala kung saan tatalakayin ang iba’t ibang reklamo hinggil sa text scams.
Inimbitahan sa pagdinig ang National Privacy Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DITC), Department of Trade and Industry (DTI) at mga telecommunications firm.
Target ng Senado na maipasa sa buwan ng Nobyembre ang nasabing panukala.