Pinagtataguan umano ng mga pamilyang nakatakdang tanggalin sa listahan ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang mga opisyal ng DSWD o Department of Social Welfare and Development kapag bumisita na sa kanilang mga bahay.
Ito ang naging pahayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na sa 600 na pamilya na nainterview, ang ilan sa mga ito ay nagsasara ng kanilang pintuan o kaya naman ay nakalipat na ng tirahan.
Nilinaw ni Tulfo na sa 4.4 milyong pamilya, 1.3 milyong benepisyaryo ang tatanggalin sa 4Ps dahil hindi na sila kwalipikado o naabot na ang maximum na pitong taong pananatili sa ilalim ng programa.
Binigyang-diin nito na hindi naman agarang masisipa sa programa ang mga nasabing pamilya kundi bibigyan naman ito ng abiso bago tuluyang ma-delist.
Sa kasalukuyan ay naghihintay na lamang ang mahigit dalawang milyong pamilyang Pilipino para sa cash assistance program ng gobyerno.