Maging isang inhinyero ang pangarap ng lolo ng 21 anyos na si Harold Zapata ng San Fernando, Pampanga para sa kanya ngunit mas sinunod nito ang nilalaman ng kanyang puso na maging magsasaka.
Dahil sa angking talino at determinasyon ay naging matagumpay sa kanyang piniling karera si Harold na sa halagang isang libong piso ay pinatunayan nitong ang magsasaka ay hindi magsasaka lang.
Isang magsasaka ang lolo ni Harold na siyang nag-alaga sa kanya hanggang sa paglaki kaya naman nagkaroon ito ng interes at pagkahilig sa pagtatanim.
Nang pumanaw ang kanyang lolo na lagi daw nagsasabi sa kanya na dapat siyang mag-inhinyero sa halip na maging magsasaka, ay sinimulan nito ang pagtatanim dahil para sa kanya walang mabubuhay na tao kung wala ang mga magsasaka kaya naniniwala siyang ito ang dapat na unang binibigyan ng suporta.
Nagsimula sa sampong pirasong grape box na hiningi lamang niya sa kanyang mga kakilala sa palengke ay sinubukan ni Harold ang hydroponics farming na isang bagong pamamaraan ng pagtatanim na ginagamitan ng tubig.
Pagbabahagi ni Harold na mura lamang ang nagastos nito sa modern farming dahil kinailangan lamang nito ng styrocups, coco seeds at nutrients.
Nagsimula sa maliit na greenhouse na naglalaman ng 80 heads na lettuce, ngayon ay nasa 50 square meter na ito na kayang taniman ng hanggang 500 na mga pananim.
Maaari aniyang pagkakitaan sa iba’t ibang paraan ang hydroponics farming, nariyan ang consultation, construction ng greenhouse, at pagbebenta ng seedlings, kung saan kumikita siya ng Php15, 000.
Napabibilis aniya ang pag-aani sa hydroponics farming na inaabot lamang ng 40-45 araw, kaya nakikita niya itong solusyon sa suliraning kinahaharap ng mga magsasaka kung saan ginagawang subdibisyon o commercial establishments ang mga sakahan.
Payo ni Harold sa mga kagaya niyang kabataan na nagnanais din magsimula ng negosyo na kinakailangang pag-aralan ng mabuti ang papasuking hanapbuhay, mas mabagal ang proseso ngunit mas mapabibilis ang tagumpay, kung mamadaliin ang proseso ay maaaring maging mabagal ang resulta.