Sinampahan na ng kaso ang isa sa dalawang mga suspek sa panghoholdap ng tatlong biktima sa Alonzo Dermatology Clinic sa JRS Building sa Barangay H. Concepcion, Cabanatuan City noong July 30, 2022.
Kinilala ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng Cabanatuan City Police na si RAYMOND YABILLO y Lejano, 30 years old, tricycle driver, residente ng Barangay Malacanang, Sta. Rosa Nueva Ecija.
Base sa ulat ng Cabanatuan Police, bandang alas singko trenta ng hapon noong July 31, 2022 naaresto sa isinagawang follow-up operation ng pinagsanib-pwersa ng Cabanatuan and Sto. Domingo Police Stations, Police Intervention Unit, at Nueva Provincial Police operatives ang suspek sa tinutuluyan nitong bahay sa Brgy. Sta. Rita, Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Napag-alaman sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay PMAJ Abraham Atencio, Officer in Charge ng Sto. Domingo Police Station na isang buwan nang nakatira sa barangay Sta. Rita ang suspek sa tahanan ng kamag-anak ng asawa nito dahil may iniiwasan raw ito.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, tinatayang umaabot sa halagang mahigit walong milyong piso ang nakuhang cash na pera at mga alahas mula sa tatlong biktima.