Nilibot nitong nakaraang Lunes ni Chair Delfin Lorenzana ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang mga bagong pasilidad sa Clark Freeport Zone sa Pampanga at New Clark City sa Tarlac na dating U.S. military air base sa Central Luzon.
Upang maging pamilyar sa lugar, kabilang sa mga binisita ng bagong chairman ng BCDA ang bagong terminal building ng mga pasahero ng Clark International Airport.
Sinilip din nito ang ginagawang NCC-Clark Airport access road at Filinvest-New Clark City; at nasubukang personal na magamit ang world-class sports facilities and River Park New Clark City.
Muli ring binalikan ni Lorenzana ang gusali ng National Government Administrative Center (NGAC) na huli niyang nakita noong ginagawa pa lamang ito noong taong 2018, maging ang emergency operations center ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) sa loob ng Clark Freeport Zone.
Umaasa umano ang mga opisyal at empleyado ng BCDA na sa ilalim ng panunungkulan ni Lorenzana matutupad ang mandato ng kanilang organisasyon na magtayo ng mga malalaking siyudad habang pinalalakas ang Armed Forces of the Philippines.