Aprubado na ng Regional Development Council 3 ang paglilipat ng Regional Prison Facility sa loob ng Fort Magsaysay Military Reservation sa bayan ng General Tinio, dito sa ating lalawigan. Ikinatuwa naman ito ni DOJ Secretary Leila de Lima na dumalo sa ginanap na 6th Full meeting sa NEDA Regional Office sa San Fernando City Pampanga upang personal na iendorso ang approval ng nasabing proyekto.
Pormal ng pinagtibay sa 6th full meeting ng RDC 3 sa pamamagitan ng Sectoral Committee on Infrastructure Development ang approval ng paglilipat ng New Bilibid Prison sa General Tinio, Nueva Ecija matapos na sumang-ayon ni Governor Aurelio Umali at makumpleto ng proponent ng nasabing proyekto ang mga requirements na hiningi ng council.
Ikinatuwa naman ito ni DOJ Secretary Leila de Lima na dumalo sa nasabing meeting na ginanap sa NEDA Regional Office sa San Fernando City, Pampanga upang personal na hingin ang approval ng endorsement ng nasabing proyekto kung saan tumatayo siyang kinatawan ng proponent.
Base umano sa kanilang timeline, nakatakda na ngayong taon ang pagpapalathala ng nasabing proyekto para magkaroon na bidding at investor’s conference upang mai-present na ang conceptual design sa mga interesadong investors o bidders.
Tiniyak din ni Secretary de Lima na tutuparin nila ang karagdagang requirements na hiningi ng Regional Peace and Order Council sa pamumuno ni Governor Oyie Umali na dapat ihiwalay ang mga high profile inmates sa iba pang bilanggo upang magarantiyahan ang seguridad ng New Bilibid Prison.
Ayon kay Secretary de Lima, minamadali na nila ang pagpapagawa ng proyekto na tinatayang aabot sa tatlong taon ang konstruksyon sa pamamagitan ng PPP o Public-Private Partnership na nakapaloob sa BOT o Build-Operate-Transfer Law.- Ulat ni Clariza De Guzman