Ibinida ng Philippine Rice Research Institute ngayong buwan ng kababaihan ang mga obra na naglalarawan ng malaking papel na ginagampanan ng lahi ni eba pagdating sa pagsasaka na pinamagatang “The Land Nurturers” na matatagpuan sa Rice Science Museum, Science City of Muñoz.

Ayon kay Charisma Love Gado Senior Science Research Specialist ng PhilRice, napatunayan ng kanilang pag-aaral na ang mga kababaihan ang gumagawa ng dalampu’t isa sa limampu’t isang trabaho sa pagsasaka at mas mataas ng dalawang porsyento ang nagagawang trabaho sa bukid kaysa sa mga kalalakihan.

Ngunit, sa kabila ng pagod ay mas maliit ang natatanggap na kita ng mga kababaihan kumpara sa nakukuhang sweldo ng mga kalalakihan.

Makikita na sa pagtutulungan ng babae at lalaki sa trabahong bukid ay malaki ang nai-a-ambag ng mga kababaihan, bukod pa sa araw-araw na pag-aasikaso sa pamilya.

Sa pamamagitan ng exhibit ay naipapakita ang iba’t-ibang larawan na ginagawa ng mga kababaihan sa trabahong bukid.

Isa na nga rito, ang rice art na binuo mula sa mga butil ng palay at bigas na likha ni Sonny Pangilinan.

Dahil sa hindi matatawarang papel ng mga kababaihan sa gawaing bukid ay lumikha na ang philrice ng mga makabagong makina na para sa kanila.

Katulad na lamang ng Drum-Seeder na ginagamit sa pagbibinhi ng palay.

Isa rin ang Microtiller na ginagamit sa pagbubungkal ng lupa.

Habang ang makina na tinatawag na Gasifier Stove ay maaari ka ng makapagluto sa pamamagitan lamang ng ipa.

Ito ay ilan lamang sa mga makabagong makina ng institusyon, para sa iba pang impormasyon, bumisita lamang sa kanilang website na www.philrice.gov.ph. –Ulat ni Danira Gabriel