Apat na araw na lamang bago sumapit ang Undas na kilala din sa tawag na Todos los Santos o Araw ng mga Patay.

Tuwing sasapit ang araw na ito, abalang-abala ang lahat sa paghahanda, paglilinis, at pananatili sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Taon-taon, ang puntod ay nakatatanggap ng “extreme makeover” – ng paglilinis at pagpipinta sa maraming pagkakataon.

Nguni’t sa diwa ng pananampalatayang Kristiyano at kulturang Pilipino, ito ay may higit pang malalim na kahulugan.

Yan ang diwa ng pag-aalay, ng pagkakaloob ng mga panalanging patungkol sa mga kaluluwa ng mga yumao.

Bukod kasi sa mga bulaklak at kandilang itinutulos sa mga puntod, marami sa atin ang nag-aalay ng mga pamisa,  at ng iba pang mga panalangin para sa kanilang ikaluluwalhati.

Ang Undas, Todos los Santos o Araw ng mga Patay, ay isang pista na malawakang ipinagdiriwang sa Pilipinas upang magbigay galang at pugay sa mga yumaong kapamilya.

Libu-libong mga Pinoy ang dumadayo sa mga libingan at memorial parks tuwing Nobyembre 1 hanggang 2 upang magsama-sama at alalahanin ang kanilang mga namayapang kamag-anak.

Kadalasan ding itinuturing ng marami sa atin na isang reunion  ang okasyong ito kung saan sila ay nagdadala ng mga pagkain at inumin upang pagsalu-saluhan, at kung minsan ay doon namamaligi ng buong araw o di kaya’y nananatili ng buong magdamag.

Tunay na tayong mga Pinoy ay mayaman sa mga kaugaliang hindi malimit makita sa ibang mga bansa.- Ulat ni Mary Joy Perez