Matapos dumaan sa matitinding mga pagsubok ng mga chef instructors sa loob ng walong buwan sa kusina, ay dalawampu’t isa ang matibay na natira at nagtapos ng culinary art mula sa anim napu’t limang estudyante ng SKD o School Knowledge and Development Academy, Gapan Campus.

Ayon kay Campus Directress Marjorie Matias, hindi biro ang pinagdaanan ng mga estudyante sa pagbababad sa kusina mula alas nueve ng umaga hanggang alas syete ng gabi, kaya mula sa malaking bilang ay unti-unting sumuko ang ilan sa kanila.

Hindi aniya basta-basta ang mga chef instructors’ ng kanilang ewskwelahan at well experienced rin ang mga ito na nagmula pa sa America, Shangri-la, at mga cruise ship na sumubok at sumala sa pinakamahuhusay nilang mga studyante.

Sa talumpati naman ni Mel Obispo, SKD Academy Chairman, maliit man ang bilang ng mga nagsisipagtapos sa kanilang eskwelahan ay panigurado naman aniyang maipagmamalaki ang mga ito pagpasok sa industriya ng pagluluto dahil sa kanilang mga pinagdaanan at mga natutunan sa SKD Academy.

Dagdag nito, ang kanilang eskwelahan na may sampong campuses sa loob at labas ng bansa ay isang National Brand na naglalayong abutin ang mga taong nangangarap at nais maisakatuparan ang kanilang mga pangarap.

Kabilang sa mga nagsipagtapos si Pamela Mataba na sa kabila ng kakulangan sa pinansyal ay nagtatrabaho ito sa gabi para makapag-aral sa umaga.

Dahil sa pagsisikap at pagpapatunay na hindi hadlang ang anumang kakulangan sa buhay upang makapag-aral at makamit ang pangarap sa buhay ay dalawa sa mga graduates kabilang si Pamela sa pinagkalooban ni Obispo ng halagang sampong libong piso bilang kapital sa pagsisimula ng maliit na negosyo at paghahanap ng trabaho.

Samantala, nagpahayag din si Obispo ng paghanga sa batch 3 ng SKD Gapan Campus dahil kay Allaine Sean Pangilinan ng bayan ng Talavera na napiling benepisyaryo ng kanilang Community Service, na nagpapakita ng tunay na kahulugan ng paglilingkod sa kapwa.—Ulat ni Jovelyn Astrero