Nagsagawa ng kilos protesta ang mga manggagawang bukid sa bayan ng Guimba bilang pagpapakita ng kanilang matinding pagtutol sa paggamit ng tinaguriang halimaw na harvester/ reaper na pumapatay sa kanilang kabuhayan.
Ayon sa Pangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon na si Aquilino Lopez, tinatayang umaabot sa tatlong daang manggagawang bukid na kinabibilangan ng mga manggagapas at mamamagpag ng palay ang apektado ng pagpasok ng harvester/ reaper sa animnapo at apat na barangay sa Guimba.
Pinapayagan umano ng Pamahalaang LokalĀ na makapasok ang mga harvester/ reaper sa pamamagitan ng pagbibigay ng permit o prangkisa kaya nakakapag-operate sa loob ng mga barangay sa nasabing bayan dahilan kung bakit nawawalan ng trabaho ang mga manggagapas at mamamagpag.
Panawagan ng maliliit na manggagawang bukid na ibasura o huwag tangkilikin ang paggamit ng harvester/reaper sa naturang bayan.
Aminado naman si Guimba Municipal Agriculturist Joselito Abesamis sa matinding epekto ng pagpasok ng harvester/ reaper sa mga manggagapas at mamamagpag sa kanilang bayan.
Ang maitutulong lang aniya ng kanilang tanggapan sa mga manggagawang bukid ay iregula ang pagpasok ng mga dayuhang harvester/ reaper.
Paliwanag ni Municipal Agriculturist Abesamis, hindi pa siya naipapatawag sa mga ginanap na pagdinig sa Sangguniang Bayan ng Guimba tungkol sa nasabing isyu kung kaya wala pang direktang naitutulong ang Tanggapan ng Pananakahan sa mga manggagawang bukid.- Ulat Ni Clariza De Guzman