Nilinaw ng PSA o Philippine Statistics Authority na may bayad ang pagtatama ng anumang maling impormasyon sa birth certificate.
Ayon kay Nueva Ecija PSA Chief Statistical Specialist Engr. Elizabeth M. Rayo, ang pagkokorek ng dokumento ay nasa P1,000 ang processing fee kapag may maling spelling sa pangalan habang mahigit P3,000 ang singil kapag babaguhin ang first name gayundin ang pagwawasto ng buwan at araw ng kapanganakan sa birth certificate.
Aniya, sa ilalim ng Republic Act No. 9048 at 10172, kinakailangang i-file ang petisyon ng pagpapabago sa Local Civil Registrar kung saan nakarehistro ang birth certificate ng indibidwal.
Dagdag pa ni Rayo, kung ang pagkakamali ay ang taon ng kapanganakan at ang status ng bata kung legitimate o illegitimate ay dapat itong dumaan sa korte.
Maaari namang malibre sa filing fee ang mga mahihirap at walang pinagkakakitaan kung magpapasa ito ng “Certification of Indigency na galing sa City o Municipal Social Welfare Development Office.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Rayo ang mga nais kumuha ng birth certificate sa kanilang tanggapan na maaari nang magpa appointment online. Pumunta lamang sa appointment.psa.gov.ph at dito ay maaari na silang makapamili ng araw at oras na hindi na pipila at maghihintay ng matagal.
Kung ang isang indibidwal ay hindi makakapunta sa araw ng kanyang iskedyul ay maaaring magpadala ito ng kanyang authorization letter na may pirma, original ID card nito at ng taong kanyang pinakiusapan.
Para sa pang detalye ay maaaring bisitahin ang kanilang facebook account na PSA Nueva Ecija Page o magtungo sa PSA NE Pacific Mall at PSA Provincial Office na matatagpuan sa 3rd Floor Harrison Building Dicarma, Cabanatuan City.