Patuloy pa ring bumababa ang presyo ng palay sa Nueva Ecija habang papalapit ang panahon ng anihan, kaya naman tutulong ang Provincial Food Council sa pamimili ng palay sa mas mataas na halaga.
Sa first meeting ng Food Council, inihayag ni Governor Aurelio Umali na ang pagkakatatag nito ay tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan ang ating mga magsasaka para makasabay sa kumpetisyon sa malayang kalakalan ng mga bansang kasapi sa World Trade Organization.
Inaasahan na sa pagkakapasa ng Rice Tariffication Law bababa ang presyo ng bigas dahil sa pagpasok ng imported rice na pabor sa mga konsumedores, ngunit sa kabilang banda ay bumagsak naman ang halaga ng palay.
Pinaka apektado ngayon ang Nueva Ecija dahil pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan dito at malaking porsyento ng produktong pang-agrikultura ay dito nanggagaling kaya ito tinaguriang Rice Granary of the Philippines at Onion Basket of Asia.

Paliwanag ni Governor Umali, sa pamamagitan ng Provincial Food Council ay bibilhin ng pamahalaang panlalawigan ang palay ng mga maliliit na magsasaka ng mas mataas ng dalawang piso pataas kumpara sa kalakarang presyo sa merkado.
Nilinaw din ni Gov Oyie na ang dalawandaang milyong pisong inilaan sa pagbili ng palay ay inisyal na pondo lamang at dadagdagan ang budget na ito ng limampong milyong piso bawat taon para mas dumami pa ang mabiling palay ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kasalukuyan ay nasa proseso na ng paghahanap at validation ng mahigit kumulang dalawang libong farmer beneficiaries ang mga itinalagang tauhan ng pamahalaang panlalawigan.
Ipapalathala anang gobernador sa social media ang listahan ng mga magsasakang makikinabang sa nasabing programa upang magkaroon ng transparency at ma-check ito ng publiko.- ulat ni Clariza de Guzman