Isa ang Bayan ng Gabaldon sa lubhang nasalanta ng mga bagyong tumama sa Lalawigan noong nakaraang taon, kaya naman sa nakaambang pagdating ng La Niña ay sinisikap nang maibalik sa normal nitong lalim ang Dupinga River na natabunan ng makapal na bato at graba.

Halos pumantay na ang Dupinga River sa Dupinga Bridge dahil sa mga bato at grabang tumabon dito dahil sa malalakas na bagyong tumama sa Lalawigan ng Nueva Ecija.

Halos pumantay na ang Dupinga River sa Dupinga Bridge dahil sa mga bato at grabang tumabon dito dahil sa malalakas na bagyong tumama sa Lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Mayor Rolando Bue ng naturang bayan, humingi sila ng tulong sa National Government upang mapondohan ng aabot sa mahigit 75 milyong piso ang Dupinga River para mahukay at maibalik ito sa dati.

Dahil hindi pa naaprubahan ang kanilang request at dahil sa paparating na La Niña ay nababahala ang Bayan ng Gabaldon na muli nilang danasin ang masaklap na sinapit ng kanilang lugar noong nakaraang taon.

     Dahil sa mga bato at grabang tumabon sa ilog ng Dupinga ay halos abutin na nito ang Dupinga Bridge, na pinangangambahang masira sa pagdagsa ng rumaragasang tubig baha na maaaring maidulot ng La Niña.

     Oras na masira ang Dupinga Bridge, maaaring pasukin ng malaking bulto ng tubig baha ang tatlong pinaka-malalaking barangay at malaking bahagi ng sakahan ng bayan ng Gabaldon.

     Sa inisyatibo ni dating Governor Aurelio Matias Umali, ay sinikap ng Provincial Government na makipag-ugnayan sa mga pribadong negosyante at kompanya ng semento at bato na pagtulungang hukayin ang Dupinga River.

Pinagtutulungan na ngayon ng Provincial Government at ilang Gravel and Sand Haulers na hukayin ang Dupinga River bago dumating ang La Niña.

Pinagtutulungan na ngayon ng Provincial Government at ilang Gravel and Sand Haulers na hukayin ang Dupinga River bago dumating ang La Niña.

      Bunsod ito ng kahilingan ng Pamahalaang Bayan ng Gabaldon na pahintulutan ang mga Gravel and Sand Haulers na kumuha ng mga bato at graba sa naturang ilog ng libre, habang hinihintay na maaprobahan ang kanilang hinihinging pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

     Anim na Gravel and Sand Haulers na ang kasalukuyang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa paghuhukay sa ilog, na magpapatuloy hanggang sa maabot ang safe level na tatlo hanggang limang metro ang lalim mula sa tulay.

     Dagdag ni Mayor Bue, kung madaragdagan pa umano ang makikiisa dito ay mas mabilis na maaabot ang safe level ng Dupinga River bago dumating ang malalakas na pag-ulan.

     Para sa mga nais na makibahagi sa paghuhukay ay maaari lamang magtungo at makipag-ugnayan sa Environment and Natural Resources Office o ENRO para sa iba pang mahahalagang impormasyon.