Kasabay ng patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng dengue ng mga Local Government Units (LGU’s) sa lalawigan ng Nueva Ecija mula Enero hanggang agosto nitong taon ay puspusan din ang ginagawang kampanya ng Provincial Health Office (PHO) upang malabanan ang paglobo ng kaso nito.

Base sa datos ng PHO, mabilis na umakyat sa mahigit 2,709 na kaso ang naitala nitong August 9 kumpara sa datos noong nakaraang buwan, July 10, na isang 1,548 kaso lamang. Habang nasa 10 na rin ang namatay.

Ayon kay Dra. Josefina Garcia, OIC ng PHO, bagamat mahirap aniyang kontrolin ang dengue, ngunit sa tulong ng bawat isa ay magiging posible na mapababa o tuluyang masugpo ang kaso nito.

Samantala, tinukoy din ng tanggapan ang Top 10 Municipalities at Cities ng dengue cases sa probinsiya. Nangunguna ang Cabanatuan City na may 579, sumunod ang Gapan City na mayroong 229, 209 sa Santa Rosa, 194 sa Gabaldon, 163 sa Palayan City, 162 sa Laur, 131 sa Talavera, Guimba na may 110, Jaen 104 at 95 sa San Antonio.

Habang, kamakailan ay nagdeklara na ng dengue outbreak ang bayan ng Gabaldon, kung saan mula sa limang kaso nito noong nakaraang taon ay lumobo ito sa 229 na kaso ngayong taon.

Sa death cases naman ng naturang bayan, tatlo ang naitalang namatay ngayong taon habang walang kaso noong 2018.

Mga kawani ng PHO na nagsagawa libreng checkup, screening, health education and promotion ukol sa dengue sa Gabaldon. (Courtesy of PHO)

Kaugnay nito ay mahigpit na nagpapaalala ang PHO na makiisa sa pagsasagawa ng 4S strategy upang malabanan ang nakamamatay na sakit, Search and destory ang paghahanap at pagpuksa sa mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok, Self-protection o paggawa ng mga hakbang para maprotektahan ang sarili sa mga lamok gaya ng pagsusuot ng long sleeves o paggamit ng mga mosquito repellent, Seek early consultation o maagang pagkonsulta sa mga doktor kapag nakaramdam ng mga sintomas ng dengue at Say yes to fogging panatilihin na palaging may fogging at spraying na ginagawa sa inyong lugar para mapuksa ang mga lamok. –Ulat ni Danira Gabriel