Humigit kumulang tatlongdaang kaso ng dengue ang naitala sa bayan ng Gabaldon tatlo sa mga ito ang namatay.
Karamihan sa mga nabibiktima ay mga kabataan na nasa edad isa hanggang sampong taong gulang.
Ayon kay Mayor Jobby Emata, Simula July 27 ay biglaan ang naging pagtaas ng kaso ng dengue at halos araw-araw ay naghahatid ng pasyente sa Community Medicare Hospital sa bayan ng Gabaldon.
Ang pondong 1.4 million pesos ay ilalaan umano para sa mga kagamitan na kakailanganin sa pagpuksa ng dengue at mga gamot para pang-spray sa bawat barangay.

Magsasagawa rin aniya ng random test sa mga bahayan ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan para sa agarang pagsugpo ng mga itlugan o pinamumugaran ng mga lamok.
Kaagapay naman sa pagsugpo ng dengue ang Regional Office at Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Health Office na namahagi ng mga insecticides para sa mga taga gabaldon.
Bukod sa pag-spray sa buong munisipalidad ay nagkaroon din ng Dengue Summit sa bawat barangay, kasama ang mga Barangay Health workers na kanila ring inatasan upang magkaroon ng fever surveillance.
Pinapayuhan ang mga may sinat o lagnat na isa sa mga sintomas ng dengue na komunsulta na kaagad sa malapit na pagamutan para maagapan.
Namahagi rin ang Lokal na Pamahalaan ng Gabaldon ng mga kulambo sa bawat pamilya para sa mas lalong pag-iingat sa dengue.
Tuwing 4 0’clock ng hapon ay umiikot ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan at mga barangay sa mga paaralan upang matingnan ang mga posibleng pinamumugaran ng mga lamok.

At tuwing araw ng biyernes ngayong buwan ng Agosto ay nagkakaroon din ng Clean-up drive para mas lalong maging aware ang bawat mamamayan doon. -Ulat ni Myrrh Guevarra