
Sinariwa tuloy ni Edilberto Agustin ang mga naging karanasang paghihirap at kahihiyan nilang mag-asawa nang malugi ang kaniyang paggawaan ng tsinelas.
Halos ayaw na anilang lumabas ng bahay sa takot at hiya sa mga maniningil na nakaabang sa kanila, paglamayan ang trabaho para may kitain at maipasweldo sa kanilang mga manggagawa.

Dati na umanong may pangalan o kilala ang kaniyang footwear sa kanilang lugar. Nakapasok pa aniya sila sa Chain Store ng SM ngunit taong 2009 at 2010 ay nalugi at nahinto ang kaniyang paggawaan dahil sa pagpasok ng china products sa bansa.

Pinilit naman ani Virginia Agustin, na pasamahin si Edilberto sa mga Trade Fair ng DTI para makabangon sila mula sa pagkakalugi. Sa kabila rin aniya ng mga pinagdaanan nilang mag-asawa ay hindi niya naisipang iwanan ang kaniyang kabiyak katulad ng kanilang mga ipinangako sa Panginoon na magsasama sila sa hirap at ginhawa.

Bukod sa Trade Fair ay tinulungan rin umano sila ng DTI sa pagmamarket at pagmamanage ng negosyo, pagdalo sa mga seminars at trainings, at mapapinansyal na aspekto.
Ipinagmalaki rin nito sa amin na maganda ang takbo ng kanilang negosyo sa Luzon hanggang Visayas. Plano rin anila na maglagay ng produkto sa iba’t ibang tourist spot o destinations sa bansa.

Ibinahagi rin nito sa amin kung paano niya nakilala ang foreigner na si Bogdan Kowalski mula sa kaniyang distributor kaya siya nakakapag export sa bansang Poland.
Payo nito sa mga MSME o Micro Small and Medium Enterprises o maliliit na negosyante na seryosohin, pagtatiyagaan at pag iigihan ang itatayong negosyo.
Taong 1999 nagsimula ang Agustin Edver’s Footwear na hango sa pangalan nilang mag-asawa na Edilberto at Virginia Agustin. Nagsimula sa tatlumpong mga manggawa at ngayon ay namamayagpag na sa bansang Poland.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran