Suot ang magagarang Modern Filipiniana at barong na may iba’t ibang disenyo ay taas noong rumampa ang mga modelo sa programang isinagawa ng SM Megacenter, Cabanatuan City, kahapon, June 12, 2019 para sa selebrasyon ng ika-isang daan at dalawampu’t isang taong paggunita sa kasarinlan ng Pilipinas.
Ayon kay Carolyn Del Rosario, Assistant Mall Manager ng SM Megacenter, ang kumikinang na mga kasuotang ito ay gawa ng mga lokal na designers ng Nueva Ecija.
Isa din sa kanilang ibinida sa pagdiriwang ay ang center piece ng SM Megacenter na gawa ng Philippine Rice Institute o PhilRice kung saan tampok ang Lalawigan ng Nueva Ecija bilang Rice Granary of the Philippines.
Dagdag ni Del Rosario, isang linggo mananatili ang kanilang center piece sa naturang mall na maaaring silipin ng mga Novo Ecijanong costumers.
Naging Panauhing Pandangal naman si Cabanatuan Vice Mayor at Nueva Ecija Vice Governor-elect Doc. Anthony Umali na nagbigay ng mensahe para sa pagdiriwang.
Sa kanyang talumpati ay sinabi nito na makakamtan natin ang tunay na kalayaan kung ramdam natin ang tunay na kapayapaan at matatagpuan din aniya ang kapayapaan kapag ating naramdaman ang tunay na kalayaan.
Naniniwala si Vice Mayor Umali, na makakamit ang dalawang bagay na ito kung ang mga lider o namumuno sa gobyerno ay magkakaisa at magkakasunod.
Dagdag ni Umali, pagkatapos ng eleksyon ay importante na magkaroon ng pagkakaisa at pagkakasundo sa bawat lider ng bansa, lalawigan, bayan o barangay para sa maayos at pantay-pantay na paglilingkod sa taumbayan.
Dumalo rin si Konsehal Nero Mercado at iba pang Konsehal ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan City, mga kawani at opisyal ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines, mga empleyado ng SM Megacenter, at mga estudyante upang makiisa sa naturang pagtitipon.
Samantala, kabilang din sa pagdiriwang ang pagbibigay ng SM Megacenter ng special discount mula 12 percent hanggang 70 percent sa mga men in uniform o ang mga kapulisan, kasundaluhan at bumbero kahapon.— Ulat ni Jovelyn Astrero