Sumabak sa exam at interview ng DSWD o Department of Social Welfare and Development Provincial Extension Office – Nueva Ecija katuwang ang Human Resource Management and Development Department ang mahigit isanlibong aplikante para sa isasagawang Listahanan 3 Assessment.

Aabot sa halos pitong daan ang kinakailangang mga field workers ng ahensya para sa Nueva Ecija, dalawampu’t dalawa rito ang area coordinators, isang daan at sampu naman ang area supervisors at limang daan at limampu’t isa ang enumerators, na mag-iikot sa buong lalawigan upang tukuyin ang mga mahihirap na pamilya.

Ayon kay Czar Cornelius David, Section Head ng Listahanan, ang mga datos na makakalap ng mga ito ay ang magiging batayan ng DSWD at iba pang mga katuwang na ahensya upang makilala ang mga karapat dapat na paglaanan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Dagdag nito, pinakamalaking bilang ng mga kukuning manpower ay magmumula dito sa Nueva Ecija at nasa mahigit tatlong daang libong kabahayan ang tinatarget nilang mapuntahan, sa loob ng dalawang buwan.

Aniya, ang lahat ng mga nakapasa sa screening at eksaminasyon ay dadaan sa apat hanggang limang araw na training at tsaka sila sasabak sa pag-iikot sa probinsya.

Inaasahan ng DSWD na bago matapos ang taon ay magkakaroon na ng initial list ng mga mahihirap na pamilya mula sa mga datos na kinalap ng mga ito.

Samantala, ilan sa aming mga nakapanayam na nag-apply ay si Carl Angelo Lagmay ng Cabanatuan City, na nagbakasakaling matanggap dahil sa pagnanais na makatulong sa kanyang mga kalalawigan.

Makapagbahagi ng kanyang kaalaman bilang isang Communication Graduate ang dahilan naman ni Clarence Marion Buendia kaya ito sumubok na mag-apply.

Mensahe ni David sa mga aplikante kung sakaling palarin ang mga ito na matanggap ay huwag lamang nila itong tingnan bilang isang trabaho lang para kumita ng pera kundi ituring nila itong isang commitment o pangako sa kanilang mga kababayan.

Ito na ang ikatlong round ng Listahan Assessment ng DSWD simula ng iimplementa ito noong 2008, na naglalayong kilalanin ang mahihirap na sambahayan na siya namang bibigyan ng prayoridad para sa mga programa ng gobyerno. –Ulat ni Jessa Dizon