Napahina na umano ng Armed Forces of the Philippines ang pwersa ng mga gerilya sa Central Luzon.
Base sa report ni Captain Gerald Malidom, Civil Military Operations ng 703rd Agila Brigade ng Philippine Army sa Joint Meeting ng Provincial Development Council, Provincial Peace and Order Council at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council noong June 25, 2019, sa limang ikinasang operation, tatlumpo at isa ang napatay, habang tatlumpo’t limang armas naman ang narekober.
Bumaba rin sa dalawampong munisipalidad ang nakukubkob ng mga gerilya.
Mula noong Enero hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang mararahas na aktibidad ang mga grupo dahil sa tuloy-tuloy na pagsisikap at pagbabantay ng militar katuwang ang kapulisan.
Dalawang pangkat umano ng gerilya na may tatlong grupo ang umiikot dito sa Nueva Ecija, una ang Komiteng Larangang Gerilya sa Caraballo Mountain Ranges na pinamumunuan ni Rommel Tucay.
Ikalawa ang komite ni Herberto Torres sa kabundukan ng Sierra Madre na may pinaka malaking pangkat na may apatnapo’t limang tauhan.
At pangatlo ang Larangan Gerilya sa Patag na nakaposisyon sa mga bayan ng Guimba, Cuyapo, Nampicuan, Talugtug, Quezon, Licab, Aliaga at Sto. Domingo.
Pahayag pa ni Malidom, minomonitor ng Armed Foces of the Philippines kasama ang Philippine National Police ang tri-boundary ng Aurora, Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.
Partikular na mga bayan dito sa ating lalawigan ang Pantabangan, Bongabon, Gabaldon at Carranglan kung saan mainit ang mga usapin sa pagkawala ng kabuhayan ng mga manggawang bukid dahil sa reaper/ harvester, tunggalian at agawan sa lupa ng ilang mayayamang pamilya.
Maliban sa mga gerilyang nabanggit, tinukoy din ng AFP bilang communist terrorist group ang AMGL o Alyansa ng mga Magbubukid ng Gitnang Luzon, Gabriela Women’s Party at NUPL o National Union of Peoples’ Lawyers.– Ulat ni Jessa Dizon