Isang kinse anyos na estudyante ang inaresto ng mga otoridad matapos mahulihan ng isang pakete ng sigarilyo na naglalaman ng Marijuana sa bayan ng Sta. Rosa.

Ayon sa report ng pulisya, bandang 6:00 ng gabi noong June 23, 2019, nakatanggap tip ang istasyon na may isang grupo na gumagamit ng illegal na gamot sa Sta. Rosa Gasoline Station.

Nang lapitan ng mga pulis ay nagpulasan ang mga hinihinalang suspek, isa na rito ang menor de edad na mag-aaral na tumakbo sa luob ng CR ng gasolinahan.

Huli umano ito sa akto nang itapon nito sa bintana ng banyo ang kaha na may lamang pinatuyong dahon ng tinaguriang “damo”.

Samantala, dinakip sa isinagawang Manhunt Operation ng Gabaldon Police Station ang isang magsasaka dahil umano sa paninirang-puri.

Kinilala ang suspek na si Vicencio Rolando y Saturno, 36 years old, binata at residente ng barangay Poblacion South ng naturang bayan.

Base sa ulat ng Gabaldon Police Station, dakong 9:00 ng gabi noong June 23, 2019, nang arestuhin ang suspek sa barangay Pantoc sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Slander by Deed na inisyu ni Judge Stanley Marvin Pengson ng MCTC Laur and Gabaldon noong June 14, 2019 na may rekomendadong pyansang Php6,500.00.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay nasa pangangalaga ng istasyon ng pulisya ng Gabaldon ang suspek.- ulat ni Clariza de Guzman.