Nagbahagi ng dugo ang mga Novo Ecijano, estudyante at mga kawani ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa isinagawang Mobile Blood Donation nitong Agosto 8 sa Convention Center ng Palayan City, Nueva Ecija.

Nakapila ang mga estudyante, kapulisan at mga kawani ng iba’t-ibang ahensya para sa registration ng pagbabahagi ng dugo.
Ang nasabing programa ay bilang pakikiisa sa selebrasyon ng National Blood Donor’s Month na may temang “Don’t wait until disaster strikes. Give Blood. Give Now. Give Often.” Ito ay matagumpay na naisagawa sa kolaborasyon ng Kagawaran ng Kalusugan at ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Czarina “Cherry” Umali.
Layunin ng aktibidad na magpalaganap ng impormasyon, magrecruit ng bagong donor at makalikom ng dugo upang mayroong maibigay sa mga nangangailangan kapag dumating ang panahon ng sakuna.

Aktibong nakiisa at nagbahagi ng dugo ang mga miyembro ng Philippine National Police.
Samantala, kabilang ang mga mag-aaral sa Nueva Ecija University of Science and Technology at Eduardo L. Joson Memorial College sa mahigit kumulang dalawang daang katao na nagbahagi ng dugo. Kasarama rin dito ang Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at mga kawani ng kapitolyo.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Benjamin Lopez, Provincial Health Officer II, na mainam para sa kalusugan ang pagbibigay ng dugo sapagkat makakatulong ito sa pagkontrol ng blood pressure at blood reproduction.
Ayon pa kay Dr. Evelyn David, Medical Officer IV ng Department of Health Regional Office III, maaaring magbigay ng dugo ang isang tao kada tatlong buwan. Dagdag pa niya, may makukuhang health benefits sa regular na pagdodonate ng dugo. -Ulat ni Irish Pangilinan