Maliban sa Small Hydroelectric Power Plant sa bayan ng Gabaldon na nakatakda ng simulan sa first quarter ng 2017, napag-alamang may anim pang Hydroelectric Power Projects ang iniaward ng Department of Energy sa Lalawigan ng Nueva Ecija.

   Base sa pinakahuling datos ng DOE as of March 31, 2016 ng DOE, kabilang sa anim na dam na ipatatayo ay ang 2 megawatts Calaanan Hydroelectric Power sa Bayan ng Bongabon na ipatatayo ng Hydrokinetic Corporation, 2 megawatts Rio Chico Hydroelectric Power sa Bayan ng General Tinio na ipatatayo ng kanilang Local Government Unit, 30 megawatts Balintingon Hydroelectric Power sa Bayan muli ng General Tinio na ipatatayo ng First Gen Luzon Power Corporation, 300 megawatts Pantabangan (Pump Storage) Hydroelectric Power sa Bayan ng Pantabangan na ipatatayo ng First Gen Prime Energy Corporation, at isa pang 1.80 megawatts Diaman Hydroelectric Power sa Bayan ng Pantabangan ang ipatatayo naman ng United Hydro Power Builders, installed capacity of 1.00 megawatts PRISMC Hydroelectric Power sa Bayan ng Rizal na ipatatayo ng PNOC-Renewable Corporation at 0.50 megawatts SDC Hydroelectric Power sa Lungsod ng San Jose na ipatatayo din ng PNOC-Renewable Corporation.

   Kaugnay ng mga ipatatayong dam sa probinsya ay nagpahayag naman ng pangamba si Joseph Canlas, Chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon.

    Ayon kay Canlas, kung ang pangunahing layunin ng mga dam na ipatatayo ay para sa pagsusupply ng kuryente ay hindi ito papabor sa mga magsasaka, ngunit kung ito ay para sa kanilang panawagang gawing libre ang irigasyon ay kanila itong aayunan.

   Pangamba ni Canlas, kung ang mga dam na ito ay ipagagawa at pamamahalaan ng mga Korporasyon ay posibleng magamit din sa pagbebenta ng potable water na maaaring makadagdag sa pasanin ng mga mamamayan.

   Dahil dito, kabilang sa kanilang panawagan na inasyunalisa ang mga ipatatayong dam na ito upang magsilbing kagyat na kasagutan sa matagal na nilang panawagan para sa libreng patubig sa bukid. –Ulat ni Jovelyn Astrero