Masayang ibinalita nina dating Department of Energy Secretary Jericho Petilla at pambato ng Liberal Party na si Mar Roxas sa mga miyembro ng Nueva Ecija II-Area I Electric Cooperative’s (NEECO II-Area 1) ang positibong pagbabago sa sektor ng enerhiya sa 2019 kung saan posibleng bumaba ang singil sa kuryente.
Ayon kay Roxas, maaaring umabot na lamang sa P3.20 per kilowatt hour ang magiging singil sa kuryente ng NEECO na aniya ay pinakamababa na sa buong kasaysayan ng Pilipinas.
Kitang-kita sa mga mata ng libu-libong mga miyembro ng kooperatiba ang tuwa dahil sa napakagandang balitang kanilang narinig sa dalawang dating kalihim.
Hindi naitago ni Roxas ang paghanga sa mga miyembro ng NEECO at maging sa pamunuan nito para sa maayos na pamamalakad sa naturang kooperatiba.
Dagdag pa niya, hindi magiging posible ang lahat ng ito kung wala ang bawat isa sa kanila.
Una rito, sinabi ni Roxas na dapat ay muling pag-aralan ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA law (R.A 9136) na tila sawi sa paglalayong pababain ang presyo ng kuryente sa bansa.
Sa kabila kasi ng reporma sa power industry sector, patuloy pa rin ang pag-akyat ng presyo ng elektrisidad sa bansa. Sa katunayan, isa pa rin ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas ang singil sa kuryente sa buong mundo.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Petilla na hindi lamang sa Central Luzon posibleng bumaba ang singil sa kuryente kundi maging sa buong bansa dahil na rin sa magandang takbo o pagbabago sa sector ng enerhiya.
Samantala sa pagtungo sa lalawigan ng Nueva Ecija partikular sa bayan ng Talavera nina Roxas at Petilla, malugod silang sinalubong nina Talavera Mayor Nerivi Santos, 3RD District Congresswoman Cherry Umali, Peñaranda Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis, Philip “Dobol P” Piccio at iba pang local political leaders sa lalawigan.Ulat ni MARY JOY PEREZ