Umabot sa mahigit 15 milyong piso ang halaga ng mga napinsala sa pananim na sibuyas dito sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa ulang ibinuhos ng nagdaang bagyong Usman.
Pinakamalaking bahagi ng mga nasira ang binaha na umabot sa mahigit P9-M kung saan anim na lugar ang naapektuhan kabilang ang mga bayan ng Gabaldon, Talavera, Quezon, Pantabangan, Laur at Palayan City.
Pamimilipit naman na mga bagong tanim at nagbubungang sibuyas ang naging problema sa Cuyapo, Bongabon at Palayan City na umabot sa mahigit P1.7-M ang apektado habang nasa P4.2-M na halaga naman ng sibuyas ang unti-unting nalulusaw o nabubulok ngayon sa bayan ng Bongabon at Talavera.
Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, 665.5 hectares ang na-damage ng bagyong Usman sa kabuuang 5,648 hectares na natamnan ngayong season.
Iginiit ni Santos na bagaman mahigit 600 ektarya ang nasira ng bagyo ay hindi ito makakaapekto at walang magiging shortage sa suplay ng sibuyas dito sa probinsya.
Tiniyak din nito na pagkatapos maibigay sa OPA o Office of the Provincial Agriculturist ang listahan ng mga magsasaka na naapektuhan ng bagyong Usman ay pagpaplanuhan na ng tanggapan ang mga hakbang at posibleng tulong na maibibigay sa mga magsasaka para sa susunod na panahon ng taniman.
Mensahe ni Santos sa mga magsasaka, huwag mawalan ng pag-asa at ang kanilang tanggapan kasama ang buong Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Cherry Umali ay aalalay sa kanila para sa panibagong simula. –Ulat ni Jessa Dizon