“Masakit sa bulsa.”
Ito ang hinaing ni Fernando Alcantara, isang magsasaka sa Brgy North Poblacion, Gabaldon na nalubog ng baha ang kaniyang dalawang ektaryang pananim na punlang sibuyas bunsod ng pag-apaw ng tubig sa katabing ilog dahil sa dalawang linggong pag-ulan nitong mga nakaraang linggo.
Sa kaniyang tantiya, humigit kumulang isang daang libong piso ang nalugi niya. Kaya’t naisip niyang solusyon ay mangutang ulit ng puhunan upang magbakasakali na makabawi sa anihan.
Isa rin sa nagbabakasakali ay si Marissa Rirao, na muling magtatanim ng sibuyas.
Ngayong linggo na sana nila itatanim ang mga punla nilang sibuyas, ngunit hindi rin ito nakaligtas sa baha.
Ayon kay Brgy Captain Edwin Parungao, kasing taas na ng ilog ang kanilang barangay kaya malimit na binabaha ang kanilang mga pananim.
Aniya, sa kabuuang 281 ektarya ng bukirin sa kanilang barangay na may pitong daang magsasaka ang lahat ng ito ay nalugi.
Hiling ni Kapitan, sana ay matulungan silang mahukay ang ilog upang ito ay lumalim nang hindi na sila maapektuhan pa tuwing umuulan. –Ulat ni Danira Gabriel