Tiniyak ng Philippine Rice Research Institute na ligtas kainin ang isinusulong na golden rice sa bansa sakaling maaprubahan ito.
Sinabi ni Dr. Reynante L. Ordonio sa media dialogue kahapon January 9, 2019 na ginanap sa Philippine Rice Research Institute o PhilRice sa Maligaya, Science City of Muñoz na ligtas kainin ang kanilang isinusulong na golden rice.
Nagsagawa aniya sila ng isang confined test noong 2015 hanggang 2016 na magpapatunay na ang golden rice ay pareho lang aniya sa ordinaryong bigas na mayroon ang Pilipinas. Mula sa bitamina, mineral at lebel ng sustansya nito, may karagdagang benepisyo lang aniya na Beta carotene na nagsisilbing vitamin A sa katawan.
Ibinahagi naman sa amin ni Dr. Ordonio na ang Genetically Modified Organisms o GMO ay paglalagay ng genes o katangian na kinuha sa magkaibang organismo partikular sa mais at odinaryong soil bacterium na magsisilbing beta carotene na siyang inilalagay sa butil ng palay kaya nagkukulay dilaw ito.
Wala rin aniyang dapat ipangamba ang mga magsasaka at mamimili dahil hindi delikado ang golden rice. Walang ginagawang toxins at pesticides sa mga halaman kaya kapag kinain ito ay walang epekto pareho lang aniya ito sa mga nasa gulay at prutas kagaya ng mangga o malunggay na kinakain natin.
Ito rin aniya ang karagdagang tugon para masolusyunan ang problema ng bansa sa vitamin A deficiency kung saan milyong mga bata ang naitatalang nagkakasakit, nabubulag at namamatay dahil sa kakulangan nito.
Ang golden Rice ay nalinang noong 1990’s sa United States of America. si Peter Bramley ang scientist na nagdevelop ng golden rice, na kalaunay nakuha ng Syngenta noong 2005 na ibinigay naman sa IRRI o International Rice Research Institute at Phil Rice para isalin sa barayti ng palay na produkto ng modern biotechnology.
Sa ngayon kasalukuyang pinagaaralan pa rin ang golden rice sa bansa.
Dito sa Nueva Ecija ay may mga progresibong organisasyon ng mga magsasaka na tumututol sa golden rice kagaya na lamang ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG, Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon o AMGL, DAGAMI, RESIST dahil ang pag-usbong umano ng golden rice ay maaring maging banta sa komersyalismo sa bansa, o negosyo lamang ang nasa likod nito, kwestyonable rin daw ito dahil hanggang ngayon ay wala pang naipipresentang ebidensya kung ito nga ba ay ligtas kainin at makabubuti lalo pa’t kalusugan ng nakararami ang nakasalalay.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran