Sinampahan ng mga kasong illegal possession of weapons and grenades sina Eulalia Ladesma at Yolanda Diamsay kasama ng dalawang youth organizer na sina Rachel Galario at Elaine Edzel Emocling.

Base sa report ng mga militar, October 13, 2018 naaresto ang apat habang nagsasagawa ng recruitment at propaganda work sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija.

Sa press conference ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, inihayag na mga community organizers sina Ladesma at Diamsay na kasalukuyang naka-detini sa Provincial Jail habang nagpyansa naman ang dalawang kabataan.

Ang mga anak nina Eulalia Ladesma at Yolanda Diamsay kasama ang mga grupo ng AMGL, BAYAN-CL, Kabataan-CL  at Karapatan.

Ginawa nina Michelle Ladesma at Nicole Diamsay ang panawagan sa harap ng mga media na pakawalan ang kanilang mga ina dahil illegal umano ang ginawang pag-aresto sa mga ito.

Kabaligtaran ng ulat ng mga militar, sinabi ng AMGL na sa Sitio Bangkusay, barangay Talabutab Norte sa General Natividad dinakip ng pitong armadong kalalakihan ang apat habang nagpapahinga sa isang bahay.

Pinilit lang din daw na humawak ng baril si Diamsay, Ladesma at ang mag – anak ng may –ari ng bahay at saka kinunan ang mga ito ng larawan.

Ibinulalas din ng mga anak nina Eulalia at Yolanda ang sakit na nadarama nang makita nila ang bakas ng umano’y pananakit ng mga lalaking dumakip sa kanilang mga ina.-ulat ni CLARIZA DE GUZMAN