Sa ginanap na ikalawang Padit-Subkal Festival 2018, ipinamalas ng 12 tribu ng mga katutubo sa Nueva Ecija na buhay na buhay pa rinang kanilang kultura sa modernong panahon at patuloy itong ipinamamana sa mga susunod na henerasyon.
Layunin umano ng festival na pasiglahin ang turismo sa tulong ng mahigit 126,000 na katutubong naninirahan sa mga lupaing ninuno sa mga bayan ng Carranglan, Gabaldon, General Tino at sa lungsod ng Palayan.
Pwera pa rito ang mga nakatira sa mga lungsod ng Gapan, Cabanatuan, at San Jose gayundin ang mga nasa bayan ng Rizal, Pantabangan, Muñoz, Licab, Bongabon at Lupao.
Pangunahing suliranin ng mga katutubo ang pinagkukunan ng kabuhayan, kaya naman kaisa ng National Commission of Indigenous People ang Pamahalaang Panlalawigan at mga ahensiya ng gobyerno upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.
Sa pamamagitan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan ay tinuturuan ng alternatibong kabuhayan ang mga katutubo, katulad ng Department of Trade and Industry na tumutulong na pataasin ang kalidad ng mga ginagawang produkto at kung saan ito ibebenta.
Bukod dito ay binibigyan din ng pagkakataon ang mga kabataang katutubo na makapag-aral, kagaya ng Nueva Ecija University of Science and Technology na kasalukuyang nagpapa-aral ng 26 katutubo na full scholarship.
Sa huli ay hinikayat ni Dr. Renato Bumacas, Provincial Officer ng NCIP, ang mga katutubo na magsumikap at humarap sa mga pagsubok dahil ito ang susi para maiangat ang kanilang pamumuhay. –Ulat ni Jessa Dizon