Sa isinagawang public consultation para sa New Road Opening/Construction/Widening/Upgrading/Rehabilitation of Roads Along Peñaranda-Gapan City-San Isidro-Cabiaonoong nagdaang Huwebes, August 30, 2018, ay sumang-ayon na ang mga may-ari ng lupang sakahan na ipagbili sa Pamahalaang Panlalawigan ang mga lupain na magagamit para sa nasabing proyekto.
Ayon sa mga may-ari ng lupa na sina Pablo Ortiz, taga-Brgy. III, bayan ng Peñaranda at Lolita Ramos,taga-Brgy. II, sa kaparehong bayan ay payag at tinatanggap nila ang proprosal at wala naman sa kanilang magiging problema ang gagawing proyekto.
Sa 17 ari-arian sa bayan ng Peñaranda ay 14 sa mga nagmamay-ari nito ang pumirma na sa kasunduan habang sa lungsod naman ng Gapan ay iilan pa lang ang lumalagdang land owner sa mahigit 60 ari-arian kaya magkakaroon pa ng final notice sa naturang bayan.
Sinabi ni Atty. Ricardo Atayde, Provincial Legal Officer na ang dahilan sa pagsasagawa ng public consultation ay upang maipaalam sa mg amay-ari ng lupa ang kanilang mga karapatan at obligasyon na may kinalaman sa nasabing proyekto at hindi na dumating sa punto na makarating pa sa hukuman ang usapin.
Nakasaad sa kasunduang pinirmahan ng bawat may-ari ng lupa na bibilhin ng Pamahalaang Panlalawigan ang bahagi ng lupa na madadaanan ng nasabing proyekto sa halagang P72 kada metro kuwadrado, na siyang kasalukuyang “fair market value” ng kanilang ari-arian.
Ang kasunduan na ipinamigay at pinalagdaanan sa bawat land owner ay pansamantala pa lamang ay okay Atty. Atayde at hindi pa ito ang pinal na papeles na kanilang lalagdaan.
Pagkatapos ng public consultation at sumang-ayon na ang mga land owners sa kasunduan ay sisimulan na ang proyekto ngayong darating na ika-15 ng Oktubre at tatagal ito ng dalawa hanggang tatlong taon.
Ang 23-kilometer bypass road project na ito ay isa sa mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Cherry Umali para makatulong na maibsan ang problema sa trapiko sa bayan ng Peñaranda, lungsod ng Gapan, bayan ng San Isidro at Cabiao.
Ito na ang ikatlong bypass road project ng Pamahalaang Panlalawigan kung saan nauna na rito ang sa bayan ng Sta. Rosa at sa bayan ng Talavera kung saan ay malaki ang naitulong para mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa dalawang nabanggit na lugar.