Binuksan na sa publiko ang Central Luzon State University – Agriculture and Food Technology Business Incubator (CLSU-AFTBI) Showroom kung saan makikita ang mga lokal na produktong gawa ng naturang eskwelahan at mga Small Medium Enterprises o SME’s sa probinsiya na matatagpuan sa I-Care Building Show Room, CLSU, Science City of Muñoz.
Ayon kay Dr Edgar Orden, Vice President ng Business Affairs ng CLSU, nais nila na mas lalong maging kapakipakinabang ang mga nalilikhang teknolohiya ng mga estudyante ng naturang eskwelahan sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga makina sa mga maliliit na negosyante na mayroong mga produkto ngunit kapos sa kaalaman at kagamitan upang mapaunlad ang kanilang negosyo.
Matatagpuan sa showroom ang labing tatlong produkto na kinabibilangan ng Makoy’s Burong Isda, Mom’s Dulce De Leche, Organik-O Arroz Caldo, ang sikat na Tilapia Ice Cream at ang Crispy Mushroom.
Nagkaroon din ng Memorandum Of Agreement o MOA signing sa pagitan ng Audrey’s Ice Cream at Philippine Carabao Center (PCC).
Ang mga produkto ng Audrey’s Ice Cream ay madaragdag na rin sa mga maaaring matikman sa naturang tindahan sa susunod na buwan.
Inaasahan na sa pagtutulungan na ito ay maraming maliliit na negosyante ang magkakalakas ng loob na pumasok sa negosyo at lumikha ng mga trabaho. –Ulat ni Danira Gabriel